Friday, June 09, 2006

Minsan.

Ang dami kong iniisip nitong mga nakaraang araw. Sa sobrang dami, laging nasakit ang ulo ko. Parang napupuno ng napakaraming tanong pero wala namang kasagutan.

Pumapasok na si Arolf sa eskwelahan. Nung unang araw, hinatid ko sila ni Anea. Hinintay ko sandali. Nagmasid ako sa silid nila, tinitingnan kung maayos na nagaaral si Arolf. Nakita ko siyang kiming nagtataas ng kamay. Nagsasalita ng walang nakikinig. Tumatayo ng hindi naman dapat.

Binalikan ko siya bago sila maguwian. Inabutan ko syang palabas ng silid may hawak na tissue. Alam ko, dudumi siya. Yun ang isa pang iniisip ko. Walang oras ang kanyang pagdumi. Hindi ko tuloy alam kung pano ko ito sasabihin sa kanyang mga guro. Hindi pa naman siya gaanong marunong. Nakita ko rin ang banyo, hindi naman gaanong malinis. Nakakatakot na baka makakuha siya ng sakit dahil sa paggamit ng maduming banyo.

Hindi siya nagsulat sa kanilang diary. May assignment pa naman. Kailangan niyang magsaulo ng kung anu-ano. Vision, Mission, Morning Prayer, etc. Naisip ko na, mahihirapan siya. Tama nga ako. Dalawang araw na naming sinasaulo ang mga ito, hindi pa rin niya masaulo lahat. Gusto kong umiyak. Gusto kong sumuko. Naisip ko tuloy, bakit ako ang binigyan ng Panginoon ng ganitong pagsubok? Bigla kong binawi, dahil naisip ko, hindi siya isang pagsubok--anak ko siya.

Photobucket - Video and Image Hosting
Masakit isipin na pwedeng isang araw ay bigla na lamang siyang huminto sa pagaaral. Pwedeng umayaw siya dahil sa hindi na niya kaya ang mga pinagagawa sa kanya ng kanyang mga guro. Lagi kong naririnig sa kanya ngayon na "regular school is so difficult." Kinakailangan ko pa siyang takutin ng ibabalik namin siya sa SPED kung hindi siya magaaral ng mabuti... na isusumbong ko siya sa lolo niya.

Ayoko ng ginagawa ko. Ayoko ng tinatakot ko siya. Ayokong pilitin siya. Pero hindi ko matanggal sa sarili ko na mainis, na magalit pag hindi siya nasunod at gawin ang mga dapat niyang gawin. Na sumigaw pag hindi ko nakikita na bumubuti ang ugali niya. Na kakayanin niya na mamuhay ng normal.

Gusto kong umiyak.

Minsan, gusto ko ng sumuko.

Pero sa paanong paraan? San ko huhugutin ang damdaming 'pagsuko' kung sa araw-araw na nagdududa akong bubuti siya ay lalo ko naman siyang minamahal?

Minsan, gusto ko na lang siyang itigil sa pagaaral.

Pero sa paanong paraan? Pano ko maaatim na patigilin siya kung sa araw-araw na natatakot ako na kutyain siya ng mga tao dahil sa kanyang kalagayan ay lalo ko naman siyang nakikita na bumubuti?

Minsan, gusto ko ng iuntog ang ulo ko para makalimutan ko ang lahat.

Pero sa paanong paraan? Paano ko gugustuhing makalimutan ang lahat kung parte siya nito?

Photobucket - Video and Image Hosting
Mahal ko ang anak ko.

Minsan, nagdududa ako sa kakayahan niya. Minsan, nanghihina ako sa mga bagay na hindi niya magawa ng mabuti. Minsan, nagagalit ako sa mga maling nangyayari. Minsan, iniisip kong hindi ako ang tamang ina para sa kanya.

Pero, minsan lang yun.

Kaya ko ito. Alam ko. Sigurado ako.

Minsan lang kinakailangan kong magsumbong sa Diyos. Na sabihin sa kanya na huwag naman masyadong mabigat, Lord. Na sana bigyan ako ng mga araw na hindi ko kinakailangang magduda, sumigaw, magalit, at manakot.

Kahit minsan lang.

4 comments:

Lei said...

i truly truly feel for you. takot din ako na dumating na sa point na sisihin ako na Joshwa dahil di pala nya kaya mag regular school.takot ako na sumbatan nya ako na di naman sya may gustong mag-aral kung di ako. Marami akong takot at marami akong pangamba pero alam kong di kami pababayaan ni Lord.

Anonymous said...

yeah... thanks, Leirs... kaya natin to... =)

Unknown said...

i have a 4 yearold son who was diagnosed with asd by a child pediatrician wthin 15 mins of observation. Naglalaro lang sa isip ko na baka na misdiagnos ang anak ko. ang mahal ng sped pati theraphy even doctor consulatations.Iniisip ko bat ba di ko sya ienroll sa egular preschool. Mas kilala ko ang anak ko maski kaninong duktor.

Smart Living said...

Hi ma'am. I have a child with autism and I set up an online store in order to help other parents and therapists have access to materials.
Our website is autism.multiply.com.
I do hope that you will be able to visit our site and tell other parents about us.

Thank you and God Bless.